Ifugao: Bulubunduking buhay
Pamagat:Ifugao: Bulubunduking buhay
Direktor at kamera: Fruto Corre
Manunulat ng script: Nancy Pe Rodrigo
Mga editor: Nonoy Dadivas
Bianca Gonzales
Mga tagapagsalaysay: Mario O’hara
Pen Medina
Mapanuring buod ng video
Maraming ritwal na isinasagawa ang mga Ifugao. Minsan naisip ko, may natatanging kapangyarihan ba ang pagsasagawa ng isang ritwal para magkaroon ng kaganapan ang gusting mangyari? Siguro malapit sa kulam o panggagayuma ang magsagawa ng ritwal. Dahil paniwalang-paniwala ang mga katutubo sa Ifugao rito. Nagkakaroon kasi ng kaganapan ang kanilang mga ninanais – mula man ito sa isang pangkalahatang pagnanais o mula man ito sa kaibuturan ng isang puso ng indibidwal na tao. Ritwal man sa kanila, na “baki” kung tawagin, dasal naman at pagdulog sa Panginoon ang tawag ko rito.
Sa video ng Ifugao: Bulubunduking buhay, pangunahing palabas sa kwento ang “payoh” o irrigated rice terrace. Ang kamangha-manghang Rice Terraces ng Pilipinas ay matatagpuan sa maraming parte ng Cordillera Region at sa Ifugao, kaakibat ng pag-aalaga ng mga payoh ay pagsasagawa ng mga ritwal. Ang bawat baki ay maaaring taghoy ng pagsusumamo, paghingi ng tulong, panalangin, pagbigay alay o pasasalamat. Sapagkat nakatira sa bundok sa loob ng maraming panahon, animistiko ang uri ng kanilang pananampalataya. Bagaman may pagkakaparehas sila sa paniniwalang Kristyano, na may langit (kabunyan), lupa (pugo) at impyerno (dalum), naiiba naman sila pagdating sa rami ng diyos na sinasamba. Sa ngalan ng hangin pa lang, may mahigit apat-napo na. ngunit sa pananampalatayang Kristyano, iisa lang ang sinasambang Diyos.
Iba pang “issues” na natatangi sa video: mga pahayag at kritisismo
a. Ukol sa maraming diyos-diyosan. Maraming mga espiritu at diyos-diyosan ang mga Ifugao na hinihingan ng tulong. Dahil marahas ang kapaligiran sa kanila (laging may bagyo), at sa hirap ng loob na dinaranas araw-araw (hirap ng buhay sa bundok), tanging kuhanan nila ng pag-asa ay ang paniniwalang may mga nilalang na hindi nakikita at makapangyarihan ang nagbabantay, tumutulong at gumagabay sa kanila sa bawat panganib, laban at desisyong kakaharapin.
b. Ang Rice Terraces. Kasalungat sa hirap ng loob na nabanggit sa itaas, sinasabi ring kung hindi matatag na mga tao ang taga Ifugao, paano sila makakagawa ng hagdang-hagdang palayan? Oo, sa hirap ng buhay, talagang hindi maiwasang maisip mo lahat ng iyong mga problema at hinanakit sa buhay. Ngunit dahil nagawa ang mga payoh, sumisimbolo iyan sa pagiging matatag, pagkakaroon ng bayanihan at pagmamalasakit ng mga Ifugao. Mahirap nga ang buhay sa bundok. Pero kung nagtutulungan at magkakaisa ang mamamayan, magbubunga ng isang malaki at dakilang obra. (hal. May mga indibidwal na kapag nagkaroon ng puwang sa mga payoh, nilalagyan ito kagad ng bato pangtakip. Noon daw laging inaayos at sadyang inaayos kagad ang mga nasisirang bato/pader sa mga payoh. Ikinalulungkot sabihin ng mga Ifugao na ngayon daw, kahit may puwang na ang mga harang sa payoh, hinahayaan na munang ganoon at aayusin lamang kapag magbibigay ng bayad serbisyo.)
c. Ukol sa pagnguya ng nganga. Akala ko noon isa lang ang silbi ng nganga at mga matatanda lang ang ngumunguya nito. Akala ko ito’y panlinis ng ngipin. Isang magsasaka sa Ifugao, na may edad 25 hanggang 35 ay namamataan ding ngumunguya ng nganga. Para sa kanya at iba pang magbubukid na maghapong babad sa initan, ang pagnguya pala ng nganga ay pagbibigay sa ngumunguya ng panibagong sigla. Maaring katulad ito ng pagnguya ng bubblegum na kadalasang nakikitang ginagawa ng mga basketbolistang nasa basketball court. Bubblegum man o nganga, may siyentipikong basehan kung bakit ngumunguya ang tao habang nagtratrabaho. Dahil sa iginagalaw natin ang mga panga o “jaw” sa ingles, tumutulong ito sa mabilisan at pagtatalas ng utak. Gaya din ng bubblegum na isang kendi, pwede rin pa lang pantawid gutom ang nganga.
d. Ukol sa karahasan ng kapaligiran. Nabanggit na dumaranas ng maraming bagyo ang Ifugao. Mula sa tuktok ng bundok pababa sa mga bahayan, sumasama sa agos ng baha ang mga lupa na galing itaas at maraming nasasalantang tanim. Mud slide sa mas kilalang termino ito kung tawagin. Delikado ang ganitong sitwasyon. At saan naman lilikas ang mga tao tuwing may bagyo? Wala ng pupuntahan pa ang mga Ifugao dahil noon pa lang panahon ng kastila, sinubok din pa lang sakupin ang Cordillera Region. Ngunit dahil likas na matatapang at malalakas ang mga katutubong ayta o agta na naninirahan sa Cordillera, hinayaan na lamang ng mga kastila ang mga ito at ibinukod sila sa mga bundok. Dahil sagana sa tubig, lumikha ang mga katutubong agta ng mga payoh na siyang iipit at kakarga ng tubig ulan na galing sa tuktok ng bundok. Di ba’t napakahusay ng kanilang naisip? Dahil ngayon sa sistema ng payoh, ang dating mapamaslang na bagyo ay napapakinabangan ng mga halaman.
e. Ukol sa maraming klase ng baki. Ang salitang baki ay pangkalahatan. Baki kung baki gaya ng ritwal kung ritwal. Pero may iisang klase lang ba ng ritwal? Bago magtanim, may baki. Habang panahon ng pagtatanim, may baki at sa pagtatapos ng pagtatanim, may baki. Ang holok na uri ng baki, ay may kinalaman sa pagtatanim. Isinasagawa ang holok para mapigil ang paglitaw ng mga peste sa taniman. Ang mga materyales na ginagamit sa holok baki ay mga dinikdik na iba’t-ibang uri ng halaman. Isinasagawa ito ng mga kababaihan at matapos dikdikin, ito’y isinasabog sa mga payoh. Tatlong araw na hindi muna dapat galawin ng mga magsasaka ang kanilang taniman ayon sa baki. Mayroon ding siyentipikong pahayag na sumusuporta sa ganoong uri ng baki. Ayon sa pagsusuri sa laboratory, ang mga dinikdik na halaman ay sadyang natural na pamatay peste. At kung bakit kinakailangang huwag galawin ang palayan ng tatlong araw, ay dahil aabutin ng tatlong araw bago ubod na kumalat ang natural sa pesticide sa taniman. May tinatawag ring Ulpi baki. Pinapangunahan ito ng isang mumbaki o pari na nananalangin sa kanilang mga diyos at espiritu na bisitahin ang kanilang mga payoh at sana’y ang palay ay mabuo sa tamang panahon, anihin sa tamang panahon, magkaroon ng mga malulusog na butyl ng bigas at kasama narin ang dalanging iwas peste ang mga tanim. Napaka-importante ng mga baki ng mga Ifugao dahil lubos-lubusan ang kanilang pananampalatayang siya rin naming tutulong sa gawain nila. Kung magbubunga ng masamang palay ang mga payoh nila o kung masisira ito bago pa anihin, paano na lamang ang kikitain nila at ipangbubuhay sa kaniya-kaniyang pamilya?