urduja movie poster

      Urduja, ang Pelikula

 

Idinirehe ni: Tony Tuviera

Iprinodyus ng: APT Entertainment Inc.

Animators: 7toons

                     Imaginary Friends

Tauhan: Regine Velasquez (Urduja)

               Cesar Montano (Limhang)

                Eddie Garcia (Lakan)

                Jay Manalo (Simakwel)

                Johnny Delgado (Gen. Wang)

                Ruby Rodriguez (Mayumi)

                Epi Quizon (Daisuke)

                Michael V. (Kukut)

                Allan K. (Tarsir)

Kung may natutunan man ako sa panonood ko ng Urduja, ang Filipino animation na iginuhit ng mga mangguguhit ng 7toons at Imaginary Friends, ay ang ugali na magpatawad. Lahat naman ng tao ay may tsansa pang magbago at baguhin ang kung anuma’y pangit sa kanila. Gaya na lamang ni Limhang na isang piratang instik. Dahil napatawad ito ni Urduja, ang prinsesa ng tribong Tawilisi na kanyang natitipan, naging masaya at payapa ang kanilang pag-iibigan.             

            Ipinalabas sa mga sinehan ang pelikulang Urduja: Isang Alamat ng Pag-ibig, noong ika-18 ng Hunyo, araw ng Miyerkules, taon 2008 sa iba’t-ibang sinehan sa lahat ng parte ng Pilipinas. Ang Urduja ay tumutunghay kay Prinsesa Urduja, na pinalaki at hinubog para maging matapang, ng amang isang Lakan (o datu), na pinuno ng maalamat na tribong Tawilisi sa Pangasinan, Hilagang Luzon. Sapagkat ang anak ng Lakan o lakanpati ay isang babae, nais sana nitong makapag-asawa ang anak ng isang matipuno, matikas at magaling na lalaki upang humalili kay Urduja sa trono at – mapamunuan ng husto ang kanilang tribo. Si Simakwel, na isang katutubo ang napipisil ng ama ngunit hindi siya gusto ni Urduja at kung masusunod ang gusto, hindi siya magpapakasal, o makikipag-isang dibdib rito.

            Samantala, isang piratang intsik naman na naglalayag sa dagat tsina, at katatakas pa lamang kay Gen. Wang, ang napadpad sa dalampasigan ng Pangasinan. Sa nakita nitong isla, siya ay nabighani at nagpasya munang libutin ang paligiran. Nagkataon na naliligo noon sa isang lawa si Urduja at namataan ito ni Limhang, ang pirating intsik. Doon unang nagtagpo ang dalawa at lalo pang natali sa isa’t-isa ng matamaan ng pana sa likod si Limhang dahil iniligtas nito si Urduja.

 

 Mga Napuna Ko sa Pelikula at Istorya:

 

a.      Alamat ni Urduja. Sapagkat nangyari ito sinaunang panahon sa Pilipinas, walang mga ebidensya sa pamamagitan ng mga kasulatan na ito’y totoo. Kaya ito isang alamat ay sa kadahilanang si Urduja, at mga kasapi sa kwento ay kilalang “tao” (bilang prinsesa ng tribong Tawilisi) na namuhay sa isang kilalang lugar (Pangasinan) sa isang nasasabi o definite na panahon (ika-14 siglo umano). Ang ipinagkaiba ng alamat sa mitolohiya, na bagaman kinikwestyon rin ang pagiging totoo (authenticity) ay una, kilala ang personalidad, ang lugar at ang mga pangyayari ay naganap sa mas bagong panahon (recent). Samantala, hindi maaring maging mitolohiya ang kwento ni Urduja dahil hindi siya isang super natyural gaya ni Maria Makiling o Mariang Sinukob na mga diyosa ng kalikasan. Kaya’t hanggang ngayon, isang debate pa rin kung isasali ba sa kasaysayan ng Pilipinas si Urduja. Siguro, ngayon niyo lamang narinig ang kanyang pangalan gaya ko. Kailanman ay hindi ko nabasa sa aking elementary books, maging sa librong KASAYSAYAN, 10 Aralin, na gawa pa mismo ng ilang kasaysayan UP professors. Sa lahat ng ito, ano ba ang silbi at aral ng alamat ni Urduja para sa kasaysayan ng Pilipinas at para sa kapakanan ng bawat Pilipino?

 b.      Pagpapalinang ng kasaysayan. Sadyang punong-puno ng mga kwentong bayan ang mga Pilipino at sagana sa kultura ang Pilipinas. Ang akala ng marami sa mga kabataan ngayon ay wala talagang kultura ang mga Pilipino dahil natutunan natin na tayo’y sinakop ng mga kastila at kanilang naging kolonya sa halos tatlompung daan at tatlompu’t tatlong taon (333). Ngunit subukin niyong tanungin ang inyong mga magulang: tatay o nanay, lolo o lola, asahan mong may isasagot sila at – kilala nila si Urduja! Ang sabi ng tatay ko, kasama daw umano si Urduja sa isang samahan ng mga kababaihan gaya ng mga amazona o ang kasalukuyang partido ng Gabriela (hango sa babaeng bayaning si Gabriela Silang, asawa ni Diego Silang). Ayon sa mga nakalap kong impormasyon, sinubok din ng mga peminista na buhayin ang kwento ni Urduja ngunit nagtumigil sila dahil marami ng pinabulaanan ang kwento ni Ibn Batuta, taga India, na tungkol kay Urduja dahil ayon din sa scholar na si Henry Yule, ang lugar na Tawilisi sa Pangasinan ay maaaring matatagpuan lamang sa isang gawa-gawang/kathang-isip na mapa (Guilliver geography - hango sa kwentong Guilliver’s Travel ng manunulat na si Jonathan Swift).

 c.       Si Limhang, ang piratang intsik. Si Limhang ay kilala ring Limahong. Sinasabi sa kasaysayan na si Limahong ay tumira sa mga budok ng Cordillera region at doon, nakapag-asawa at nagka-anak. Hindi lamang siya, na isang intsik, ang nanirahan roon. Pati mga kasapi na sundalong pirata/ manggagawang intsik ay nagsipag tirahan rin at nakabuo ng pamilya sa bundok. Maaaring maging basehan niyan ay ang pagiging singkit ng mga Igorot. Pansinin ninyo ang artistang si Marky Cielo na nanalo sa isang artista-based reality search ng GMA7. Hindi nga ba’t singkit ang mga mata ni Marky? Magulo ang mga kwento patungkol kay Limahon. May nagsabi rin na nagsipag-uwian rin ang mga intsik matapos sila mapatalsik ng mga kastila na nasa Maynila na noon. Ipasantabi na natin ang kwento ng mga pirating intsi at pansinin na lamang ang pag-iibigan nila ni Urduja na ipinalabas sa pelikula. Ito ang nagbigay liwanag sa aking pag-iisip. Nalaman kong hindi magkapanahon si Urduja at Limhang. At sinubok ring sakupin ni Limhang ang Maynila – kaya lang, sila ang napatalsik ng mga kastila. Ang pagsakop na ito ay nangyari noong ika – 16 siglo ng taon 1574, siyam na taon matapos gawing teritoryo ng Espanya ang Pilipinas (1565). Hindi rin nagngangalang Urduja ang napangasawa nito kundi isa ring prinsesa sa Lingayen na nagngangalang Kabuntatala na may ibigsabihin na ‘maagang bituin sa umaga.’ Nagkaroon sila ng anak at pinangalanang Quimzon na ninuno ni Juan Quimzon, alkalde mayor ng Aguilar town at lolo ng naging gobernador ng Pangasinan na si Francisco Quimzon Duque. Hindi ko kilala sa personal ang mga nabanggit dahil hindi ako tubong Pangasinan. Kung papipiliin ako, iisipin kong isang totoong tao si Limahong at hindi alamat lamang.

 d.      Ang dagang nakapagpasabog ng barko. Hindi lamang nakapagpasabog ng isang barko ang dagang ito, nagpapalit rin siya ng mga baraha para manalo sa laro si Limhang tuwing ito’y makikipagpustahan sa kapwa niya mga pirata. Mahilig rin sa limpak-limpak na ginto ang dagang si Kukut at kumakanta pa! Kagulatgulat ang karakter ng hayop na ito dahil kung sakaling isang bulag ang makikinig sa pelikula, aakalain nitong tao ang nasabing daga.

 e.  Pamahiin ng pagkatok sa kahoy. Ayon sa pamahiing pinoy, kung ayaw mong mangyari ang isang katagang nabanggit ay kumatok ka sa kahoy. Napuna ko  ito sa pelikula ng sabihin ni Mayumi ang mga katagang, “malay mo lumindol” sa araw ng kasal nina Urduja at Simakwel. Kasabay ng pagsabi niya noon ay pagkatok sa hawak na kawayan at natawa ako roon. Pinoy na pinoy nga ang animation na Urduja: Isang Alamat ng Pag-ibig. Kaya kung halimbawang makabanggit ka ng masamang hangarin at ayaw mo itong mangyari, humanap lang ng kahoy at kumatok.

Posted by decomia on July 9, 2008 at 02:41 AM in Reviews | click me to reply =)
Login to your account to post comment

You are not logged into your Tabulas account. Please login.