Entries for October, 2008

 

Sinasabi ng ilan na ang Bibliya, ay ang tanging sasagot sa mga problemang dinadala ng tao. Buksan ito at basahin, asahan na maliliwanagan. Pero ang librong hawak ni Deborah ngayon ay hindi  Bibliya.”

 

 

“After ten years, hindi na kita mahal,” ang huling mga salitang naalala niya paggising nang maigalaw ang braso mula sa pagkakatulog. Sa panaginip niya kasi’y maka-ilang ulit na pinagsasampal ang lalaki ngunit hindi magawa ng maayos ang pagsampal dahil hawak ng lalaki ang mga kamay niya. Gusto sanang i-text ni Deborah ang dating nobyo subalit napigilan din ang sarili dahil ito’y may pasok pa sa kolehiyo. Tanghali na rin. Napa-isip pa rin ang dalaga at bakit ten years ang sabi sa panaginip? Ano ba meron sa ten? Twenty years old siya ngayon. After ten years nga ba hindi na siya mamahalin nito? Kung ngayon nga na hiwalay na sila, baka hiwalay na rin ang emosyon ng lalaki sa pagkatao nni Deborah. Buwan ngayon ng Agosto at araw ng ika-10. Baka ganoon lang. Ano ba pinagkaiba ng mga imahe at eksena sa himbing na dimensyong intelektuwal sa reyalidad?

Namataan ang librong Business Ethics sa kama na binasa niya pa kagabi at napuyat dahil husto ang kanyang pagbabasa para pumasok sa klase nang may kaalaman. Binuklat ni Deborah ang libro na gagamitin para sa 10 am class niya.

“Ah, baka ‘yon lang ang ibigsabihin ng ten,” kailangan na niyang gumising.

Napapikit ulit siya. Blangko ang mga pahina! Ni pati ang mga aralin na dapat naroroon ay wala kundi – isang tala ng tatlong kondisyon. Sagot ba ito sa kanyang kahilingan na magkabalikan na sila ng dating kasuyo?

Hindi niya akalain na magkakaroon ng ganitong hiwaga sa kanya. Isang misteryo na balot ng pagkagulat, kaba at – saya? Sa kanyang isipan, itinanong kung paano ito naganap. Lumabas sa libro ang sulat na, “oo, totoo ito, matutupad ang iyong ninanais kung maisasakatuparan mo ang tatlong kondisyon.”

May sa demonyo ba ang aklat o parte na naman ito ng kanyang panaginip? Sinasabi ng ilan na ang Bibliya, ay ang tanging sasagot sa mga problemang dinadala ng tao. Buksan ito at basahin, asahan na maliliwanagan. Pero ang librong hawak ni Deborah ngayon ay hindi Bibliya. Ito ang kanyang libro sa asignaturang Business Ethics na siyang 10 am class niya. Kahit na ganoon, inisip niya, hindi naman ito maaring galing kay Satanas. Kung magawa niya ang tatlong kondisyon, babalik na ang nobyo sa kanya.

Dalawang buwan na'ng nagdaan ng maghiwalay sila ng nobyo. Agosto ngayon. Ang tanda niya, buwan pa ng Hunyo ng matapos ang kanilang relasyon. Ang dating nobyo, hindi na nakikipagkita ngayon. Inilunod ang sarili sa trabaho. Dating layout artist sa isang weekly tabloid-magazine na nag-online magazine na ngayon dahil wala ng financier, ngayon ay empleyado naman sa isang small outfit ng advertising – taga gawa ng websites para sa iba't-ibang kumpanya. Buwan din iyon ng Hunyo ng inaway pa niya ang lalaki. Noong mga panahong iyon din pala sumulpot ang krisis sa trabaho. Tanda niya, malungkot ang lahat, pati ang dating nobyo.

Unang kondisyon (1.) Manalo sa isang art contest ng first prize. Ikalawang kondisyon (2.) Ma-perpekto ang isang eksamen at ikatlong kondisyon (3.) Tumulong sa kapwa. Lahat ng iyan ay dapat maisagawa sa loob ng limang buwan lamang.”

Medyo nagulat siya ngunit kumalma rin ang pakiramdam nang mabasa ang ikatlong kondisyon. “Ang tumulong sa kapwa ay madali, at kahit kailan pwedeng gawin.” Napagpasyahan ni Deborah na ihuli na ito sa kanyang mga gagawin.

May bilin pa ang libro, “Alamin ang oportunidad kung kailan ito magpapakita dahil kung ito’y hindi mapapansin, hindi na muli pang darating.” Inintindi niya iyon ng mabuti. Wala ng makapipigil at hindi na niya hahayaan magkahiwalay pa sila. Magtitiis siya ngayon. Limang buwan lang naman iyon, pagkatapos magiging masaya na sila!

Umalis na sa bahay si Deborah at tumungo sa unibersidad. Maganda ang unibersidad niya. Mukhang parke dahil maraming puno. Maaliwalas ang kapaligiran at marami ding lumang kolehiyo at kurso na inooffer ang unibersidad. Matapos sa Business Ethics na klase, naalala” niya kagad ang unang kondisyon.

“Manalo sa isang art contest?” Dapat ay mayroon ngang magpa-art contest. Isa lang naman ang puntahan para malaman kung may art contest o wala.

“Tyak, sa College of Fine Arts nakapaskil ang mga darating na art contest.”

Taga Fine Arts si Deborah at masasabi nating may bentahe siya sa unang kondisyon. Hindi pa lubusang nakakaabot ng College of Fine Arts ng mapadaan ang dalaga sa Wilburt Hall, ang kolehiyo ng arts and sciences. May nagaganap na On-the-spot Poster Making contest doon! Lumapit siya sa isang poster ng nasabing contest at naexcite sa bagong tuklas. Bakit ngayon lang niya ito nalaman?

May art contest pala dito, on-the-spot pa,” wika ni Deborah sa isang estudyanteng nakatingin rin sa poster.

Honga. Sasali ka?”

Oo. =)”

Ang mga kailang kagamitan lang sa contest ay: isang ¼ illustration board at sariling pangkulay. Napagtanto niyang dito na maaaring isakatuparan ang unang kondisyon. Hindi na niya ito papalagpasin pa dahil ang oportunidad, kapag dumaan at hindi mo nakita, hindi na babalik pa. Tamang-tama at laging naroroon sa bag niya ang mga oil pastel na nagagamit niya naman paminsan-minsan. Dali-dali siyang sumakay ng jeep at pumunta muna sa malapit na tindahan ng mga school supplies at bumili ng illustration board. Nang makabalik sa Wilburt Hall, naging mapagbigay naman ang pagkakataon dahil mag-uumpisa pa lang ang art contest.

Matapos ang dalawa at kalahating oras, tapos man ang artwork o hindi, kailangan na itong ipasa. Natapos ni Deborah ang sa kanya. Salamat naman. Bilang isang art student, itinuturo din diyan ang paghasa ng bilis sa pagguhit o precision. Kapag sinabing kailangan ipasa ang kanilang proyekto sa ganitong panahon, dapat tapos na ang drawing ng maayos at ito’y ipasa. Ngunit naalala rin niyang mabuti na dapat manalo siyang first prize sa contest na iyon - hindi second, hindi third place winner kundi, first prize winner!

Kinabog ang kanyang dibdib. Alam niyang magaling siyang magdrawing at maganda ang ideya na inilapat niya sa illustration board na pinaganda pa ng masining na pagkulay ng oil pastel. Pero, hindi lang naman siya ang marunong madrawing dito? Maaaring halos lahat pala ng sumali ay taga Fine Arts din. At hindi naman sasali ang isang tao sa isang contest kung wala siyang alam o kakanyahang manalo sa contest na iyon? Kumakabog ang kanyang dibdib. Sa araw na ito rin naman ang paghuhusga.

Nalaman niya, may tatlompung estudyante ang sumali. At pagkatapos ng dalawang oras ng paghuhusga, ia-anunsyo ang nanalo. Hindi na makapaghintay pa si Deborah. Kung sana kasama sa magic ang pagfast-forward ng panahon para malaman na niya kung sino ang nanalo. Nagdadasal siya at bumubulong, “Sana ako ang panalong first prize, sana ako ang panalong first prize, sana ako..” hanggang sa wakas, natapos rin ang dalawang oras. Mula kaninang ten am na klase niya hanggang matapos ito ng isa at kalahating oras hanggang sa magsimula ang contest matapos ang tatlompu’t minuto, hanggang sa ito’y matapos apat na oras at trenta minutos na ang nakararaan, sa wakas, alas kwatro y medya na at husgahan na!

Ang nanalo ng ikatlong gantimpala, Manuel Saling.” Palakpakan at nagkamayan.

Ang nanalo ng ikalawang gantimpala, Shirly Vasquez.” Palakpakan namang muli at nagkamayan. Ayan na, first prize winner na. Kumakabog ang dibdib ni Deborah.

Isang magic, “Ang nanalo ng unang gantimpala…” at tinawag ang pangalan, “… Deborah Luji!” Masigabong palakpakan at nagkamayan. Abot tenga ang ngiti ni Deborah.

“Magic nga ba ito? Kahit ano pa milagro man galing sa itaas, tapos na ang unang kondisyon ko!”

Binuklat niya ang libro sa pahina kung saan nakasulat ang talong kondisyon. Nilagyan niya ng ekis ang number one.

Alas singko ng hapon na. Ang langit ay kulay orange at malapit nang maging lila. Inisip niya kagad kung papaano at kailan darating ang ikalawang kondisyon. Laging may quiz sa isa niyang asignatura - sa Biology 1. Pero iba yata ang intindi niya sa eksamen at quiz. Kapag quiz, maikli lang. Kadalasan, isang fifteen-item question lang. Maaaring maka-perfect ngunit kapag eksamen na ang binanggit, isang long exam na one hundred items ang unang pumapasok sa kanyang isip. Ganoon din naman ang intindi ng ibang estudyante roon.

Teka lang, Agosto na nagyon. Tama! Midterm exams na!”

Sa susunod na mga araw at lingo, nakatakda ng kumuha ng long exam ang bawat estudyante. Tama. Paghahandaan niya iyon. Sa Kasaysayan, may ginagamit silang libro, Kasaysayan ng Filipinas nina Denny Macaraig et al. Ang sabi ng kanyang propesor, basahin ang chapters 1-5 at doon lamang kukunin ang mga tanong sa eksamen. Tama. Paghahandaan niya iyon.

Papauwi na siya dahil wala na siyang klase sa araw na ito. Dadaan siya sa gym dahil may pathway doon papuntang Commonwealth. Sa Commonwealth maraming jeep na dumaraan. Sasakay siya ng Fairview o Lagro jeep at magpapahinto sa Mercury Drug store na katapat ng Tandang Sora Avenue. Hindi muna umakyat sa footbridge si Deborah upang tawirin ang highway ng Commonwealth para sumakay ulit ng jeep na papasok sa Tandang Sora Avenue. May bibilhin pa kasi siya sa katabing drug store. Mga pampakinis sa mukha lang naman. Alam niyo naman ang babae, kahit hindi artista sa telebisyon, nag-iinvest talaga para sa mukha. Kahit na gothgotan ang istilo niya minsan, kikay pa rin siya – may bahid talaga ng arte sa katawan.

May matandang babae na nakadaster ang pumukaw sa kanyang atensyon. Oo maraming tao sa tapat ng drug store dahil hintuan iyon ng mga kotse at babaan ng mga tao. Ngunit ang pagkakasulyap niya kay Manang, kakaiba. Kutob niya na may mangyayari. Hindi naman mukhang baliw ang matanda. Matanda na nga lang at kuba, mahina na ang pakiramdam sa paligid kaya hindi napansin na mababangga na ng bus. Ang mga sasakyan diyan sa Tandang Sora, nakagugulat, kaya nga nagpagawa na ng footbridge ay dahil sa mga aksidente ng pagkakabangga. At iyon na sana ang mangyayari sa matanda kung hindi tumakbo si Deborah at mabilis na naitulak ang lola palayo sa kapahamakan. Nabundol si Deborah ng bus. Pati ang drayber nagulat at napahinto ang sasakyan. Ngunit huli na ang lahat. Nang mga sandaling iyon, ang bawat segundo animo’y bumagal. May diwa pa si Deborah habang nanlalabo ang paningin at habang dumadaloy ang dugo sa ulo. Maraming tao. Nakatingin ang mga tao. Nakabilog sa kanya. Alam niya ang nangyari. Siya ang nabunggo. Naalala niya sa huling sandali ang lalaking minahal. Ito na ba ang wakas? Mamatay ba siya? Ang sakit na nararandaman ng puso niya: emosyonal at pisikal; lumabas sa isang patak ng luha. Ang tatlong kondisyon, naalala niya.

Ito na ba ang ikatlo? Ang tumulong sa kapwa?”

Magkaiba sa mas malalim na anyo ang tumulong sa – iligtas ang kapwa. Kapag tumulong ka, hanggang d’un lang. Pero ang usapang iligtas mo siya, buhay ang nakataya at kakambal ay kamatayan. Bago siya tuluyang napapikit, may mga kataga siyang sinabi, “sana magka-amnesia na lang ako.”

Lumipas ang limang buwan at nasaan na ang tatlong kondisyon? Nasaan na si Deborah? Huminto muna sa pagpasok sa unibersidad ang dalaga. Inasikaso ng mommy niya ang mga papeles para sa pag-apruba ng LOA dahil sa aksidenteng naganap. Nasa kwarto niya sa ikatlong palapag ng kanilang bahay si Deborah, nakadungaw sa kalyeng walang laman, sa mga punong katapat ng katapat na bahay at maaliwalas ang putlang langit. Wala ng dugo sa kanyang utak, walang benda, walang mga tao, wala si lola at wala ang libro kung saan nakatala ang tatlong kondisyon.

Hindi na niya maalala ang lalaki. Kung sabagay, para saan pa ang tatlong kondisyon na katuparan sa kaniyang kahilingan kung mukha o pangalan nito'y hindi na niya alam? Ni ang alaalang minsang naging sila, wala na. Wala ring nagbanggit sa kanya tungkol sa dati niyang relasyon. Tutol rin naman kasi ang mga magulang niya sa pagsasama nila. Pati mga katulong nila sa bahay ayaw sa lalaki. Madalas, pangnugutya ang maririnig niya sa mga tao at kasama na ang iba niyang kamag-anak.

Sino nga ba ang dati niyang nobyo? Kinalimutan na rin ng lahat gaya ng pagkalimot niya. Hindi naman dahil sa nagka-amnesia siya. Sa totoo, ayaw niyang masaktan. Hindi niya matanggap na naghiwalay sila dahil sa siya ang nakipaghiwalay at sinang-ayunan lang ito ng lalaki. Dati-rati kasi’y nagsusumamo ang lalaki sa kaniya na huwag niya itong hiwalayan. Pero nung huling banggit niya ng, “I don’t need this,” tinapos na rin ng lalaki ang lahat.

 

Posted by decomia on October 10, 2008 at 03:56 PM | click me to reply =)
« 2008/08 · 2009/08 »