Paggamit ng wikang Filipino sa mga non-Filipino subjects
Ebolusyon. Nasa estado ng pagbabago ang ating wika. Noon pa man, samu’t saring wika na ang bumubuo sa wikang Filipino. Ayon sa pagsasaliksik ng mga historian, ang wikang Tagalog, na basehan ng wikang Filipino, ay nilalamanan ng mga wikang Sanskrit (wika ng India), Instik (wika ng Tsina), Malay (wika sa Malaysia), bukod sa iba pa na nagmula sa Malayo-Polynesian Language Family.
Pagkatapos niyan, dumating ang mga Kastila. Nahaluan ang ating wika ng mga wikang kastila. Ang mga ito naman ay ating inangkin at naging atin. Ganito rin ang nagyari ng dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas. Nahaluan ng wikang Ingles ang ating wika. Ang mga wikang bagong sulpot at siya rin naman nating inangkin at naging atin.
Sa modernong panahon, ang wikang Filipino sa pangkalahatan ay pinagmumulan ng lambit¹ kung sasabihin ng mga Filipino o ninuman na wikang Tagalog ang opisyal na wikang pambansa ng Pilipinas. Dahil ang Filipinas ay binubuo ng humigit-kumulang 70 wika at 300 diyalekto mula sa iba’t-ibang pangkat etniko ng Filipinas, sa kabuuan, ang sinasabing wikang Filipino rin, na wikang pambansa, ay pinaghaluhalong Tagalog, Bisaya, Waray, Pangasinense, atbp. na ang basehan ay nasa wikang Tagalog.
Ang kasalanan sa paghahalo ng wika ay kung kalian ang pinaghaluhalong wika ay hindi na maintindihan o nakakatulili sa tenga. Ang hindi naman kasalanan ay kapag naghalo ng wika ngunit naiintindihan naman ng maraming Filipino.
Social
Science 2
Nagyong natalakay ko na sa itaas ang kasalan at hindi kasalanan sa paggamit ng wikang Filipino, pagusapan naman natin ngayon ang paggamit ng wikang Filipino sa isang non-Filipino subject, ang SocSci2. Ang pahayag ko rito ay personal dahil bilang isang namumuna, ako naman ay nasa mismong asignatura² na ito. Una, pinupuri ko ang aking teacher sa klaseng ito, na isa ring abugado, dahil kung magturo siya, maganda ang kanyang pagkaka-ingles. At kung may malalim na ingles, nililinaw niyang mabuti ang tamang ibigsabihin nito hindi lamang sa synonym ng wikang ingles na tinutukoy kundi ang pakuhulugan nito sa tagalog/Filipino.
Kapag siya ay nagtuturo, talagang inuulit niya pa ang wikang nasa ingles sa wikang tagalog at kung hindi niya matandaan kung ano ito sa tagalog/Filipino, siya naman ang magtatanong sa klase at minsan, nakukuha niya rin ang sagot bago pa may makasagot.
Sa departamento ng Political Science, marami diyang saligutgot³ na mga terminolohiya. At tama lamang na kapag mahirap ng intindihin ang ilan sa mga wikang ingles na ginagamit dito, dapat may mahusay na guro na magpapaliwanag sa mga mag-aaral ang ibigsabihin nito sa Filipino.
Narinig ko na dati sa aking guro sa Fine Arts ang kanyang saloobin sa mga Filipinong nagpunta sa Amerika at nasanay nang mag Ingles. Ang kanyang ikinaiinis, may kaibigan umano siyang nagsabing kapag pumunta ka ng Amerika at nasanay sa pagsalita ng ingles, makakalimutan mo na’ng magsalita ng Filipino. Ang salungat⁴ pahayag naman ng aking guro ay isang matinding pagkadismaya. Natandaan ko na siya ay hindi sumang-ayon at pinanindigan na oo, natutunan mo yung banyagang wika pero hindi mo pwedeng makalimutan ‘yung wikang kinalakhan mo. Kahit na, 4 hanggang 5 taon ka lang naman lumagi sa Amerika kumpara naman dun sa mahigit dalawang dekada na inilagi mo sa Pilipinas. Sang-ayon ako sa guro ko rito. Si Rizal nga e, sa dami ng wikang napag-aralan at pinag-ekspertohan hindi nakalimutan ang wika ng kanyang bayan.
At mula dyan sa mga Pilipinong yan, tatalon tayo sa mga dayuhan⁵ na natutunang mag Filipino. Dalawa sa aking kilala ay sina Michelle Van Eimeren na exwife ni Ogie Alcasid at Sandara Park. Si Michelle Van Eimeren, sa pagkakaalam ng maraming Pilipino, ay isang beauty queen na galing Australia. Kasabayan nina Dayana Torres na naging girlfriend umano ni Aga Mulach, nanatili sila sa Pilipinas at nagkacareer sa showbiz. Makalaon, bumalik din si Michelle sa Australia at naninirahan doon hanggang ngayon. Hiwalay na sila ni Ogie at alam natin iyon. Pero ang ikinatuwa ko at ng maraming Filipino ay nung bumisita si Michelle kasama mga anak at bagong asawa sa Pilipinas para panoorin ang pagtatanghal⁶ ni Ogie. Aba! Nang mainterview si Michelle, ang galing parin magtagalog! Nakakabilib siya diba?
Si Sandara Park. Si Sandy o Dara na ngayon ay isang koreana na unang naging celebrity sa Pilipinas bago sa kanyang lupang sinilangan. Bakit? Dahil dito siya lumaki sa Pilipinas. Samakatuwid, isa siyang koreana na natutong mag Filipino. Bumalik na rin si Sandy sa Korea ngayon ngunit hindi parin niya nakakalimutan mag Filipino. Napakalambing niya sa kanyang mga Filipinong tagahanga⁷ at isa sa pamosong linya niya ay, “Mahal ko kayo.”
Konklusyon
Kahit na masasabi nating halohalong wika ang bumubuo sa Filipino, isaalang-ala parin natin ang tamang pagbigkas at wastong pagbaybay⁸ ng mga salita. Tandaan natin na ang Filipino ay wikang opisyal at may prestihiyo na rin gaya ng wikang kastila o ingles. Kapag tayong mga Filipino na rin mismo ang magiging mapanuri sa tamang sulat at gamit ng ating wika, makikita ng ibang Filipino (na walang bilib sa sariling atin), na ang wikang Filipino ay hindi basta basta lamang na iyong kakalimutan. At kahit na kolokyal na tayong mga Filipino magsalita, sana kritikal at mahusay naman ang ating pagsusulat. Sa mga mahahalagang okasyon na ikaw ay magbibigay talumpati⁹ sa mga tao, gumamit ng purong Filipino. Mas nakakabilib ang purong Filipino. Ito’y tatama rin sa’yo.
Gabay sa pagbasa:
¹ (argument)
² (paksa, subject)
³ (masalimuot, komplikado, complicated)
⁴ (kontra, counter)
⁵ (banyaga, foreigner)
⁶ (konsiyerto, concert)
⁷ (fans)
⁸ (spelling)
⁹ (speech)