Repost: Sa Paghahagilap Ng Alternatibo ni Darius Raganas Galang
Ano nga ba ang matatawag na "alternative music?" Makukulong na lang ba ito sa malulutong at galit na tunog ng gitara? O sa mga rekord na may pabalat na kung anu-anong eklektikong imahe? Sa pangalan nga ba ito ng banda? O kaya'y banda nga lang ba ang masasabing alternatibo?
May nakapagsabi na ang alternatibong musika ay maririnig lamang sa mga bars at club na naghahandog ng live music, o ang mga album na nagmumula sa mga banda dito ay makikita't mapapakinggan lamang sa kwarto ng barkada mo na malamang ay isang rocker din.
Ngunit hindi pa dito natatapos ang pagkakahon sa musikang alternatibo. Iba't ibang gimik ang ginagamit ng mga kapitalistang pati ang musika ay mina-mass-prodyus. Iba't ibang gimik ang pinapalabas nila para mabili ang produkto nila, mula sa media mileage hanggang sa mall tours at autograph signing ng artista o bandang nagrekord nito. Minsan pa nga, nasa leybel ito na kung tawagin ay indie, mula sa salitang 'independent' na hindi naman talaga indie dahil nakatali pa rin ito sa isang malaking kompanya para sa kapital nito. Madalas pa nga, dayuhan na artista pa ang makikita sa mga music stores. Sa ganitong mga isipin magandang pagnilayan ang takbo ng industriya ng lokal nating musika. Ngunit mas malayo pa sa karaniwang tinatawag nating 'alternatibong musika' ang pagtatalakay ng rebyu na ito. Malayo sa isang grupo ng lobo, at lalong malayo sa keso't sandwich.
Ang "Rosas ng Digma" ay isang album ng masasabing alternatibo sa lokal na musika natin ngayon. Payak at tahimik na pinasinayaan ang paglabas nito noong Pebrero, at naging tahimik din ang pagtangkilik nito. Sa rebyu na ito mabibigyan ng kulay ang pagkakaiba nito sa mainstream na na alternatibong musika (kung tama nga na tawagin sila ng ganito) sa pagtalakay sa moda ng produksyon, sa tema, at sa kultural na estetika ng album.
Moda ng Produksyon
Inilabas ng MusikangBAYAN ang rekord na ito. Bilang pasimula, hindi nakatali sa dambuhalang kapitalista ang paggawa ng rekord. Maaaring limitado din ang kopya ng album kung iisipin na hindi naman talaga negosyo ang pakay ng MusikangBAYAN. Ngunit hindi din nito ibig sabihin na hindi na ito makakaabot sa ibang maaaring nais itong mapakinggan.
Ayon sa libreta nito (na hiwalay na mabibili bukod sa rekord na nasa pormang CD at kaset), nilalayon din ang paglinang ng mga awit nito sa mga pagtitipon gaya ng rali at piket, at maging sa paglabas nito sa ibang bansa.
Gusto mo na siyang hanapin? Sige, pero wag mo siyang hanapin sa mga rekord bar, dahil hindi mo siya mahahanap doon. Hanapin mo na lang siya sa nga pagtitipon ng BAYAN at ng mga alyado nitong organisasyon, at higit sa lahat, sa mga rali (katabi ng mga inilalakong tubaw at mga pins nila Mao at Marx).
Ideyang Progresibo't Pula
Ang mga awit ay nagtatalakay sa pag-ibig na nakaayon sa aktibong pagganap sa gawain ng indibidwal na kalahok sa pambansang demokrasya. Ang mga titik ay nagsasaad ng iba't ibang karanasan, tulad ng sa "Rosas ng Digma" na nagpapahiwatig ng pag-asang makasama ang maaaring hapagan ng Digmaang Rosas (o ang programa para sa panliligaw, kung saan kinuha ang inspirasyon para sa pamagat ng album). Ang "Iisa" ay nagsasaad ng pag-ibig bilang isang bagay na magbubuklod sa gawain ng rebolusyonaryo. Ang pagkakalayo sa iniirog naman ang naging mensahe ng "Sana."
Sa lahat ng mga awit sa album, kakaiba ang "I Could Have Said" dahil bukod sa pagkakaareglo nito na mala-Arte Nouveau, binibigyan nito ng kulay at pagtingin ang isang peti-burges na nahulog ang damdamin sa isang namundok na, bagay na nagsasaad na hindi malayo sa larangan ng pakikibaka ang uring peti-burges.
Alternatibong Musika
Pinakatampok ng album ang paggamit ng makalumang moda ng pag-awit sa pamamagitan ng pagkiling sa folk at kundiman na areglo. Patunay lamang na hindi lang sa henreng rock nakukulong ang alternatibong musika. Ang mga naunang anyo ng mga rebolusyonaryo at progresibong awit (tulad ng sa Asin at Buklod) ay kasama na sa konsepto ng alternatibong musika.
Naglalaman ang "Rosas" ng mga awiting makabayan at politically-correct ang tema, at may imaheng mapula ang bawat titik ng awit na bumubuo sa album na ito. Sa halip na distorted na gitara, malalakas na tambol at galit na boses, mala-kundiman at banayad ang pagkakaareglo ng bawat awit. Ang paggamit ng Filipino sa halos lahat ng kanta maliban sa "I Could Have Said" ay nagpapatibay ng layunin nito na itaguyod ang isang sining na masasabing tunay na Pinoy. Ang halos kawalan ng banyagang impluwensya sa paglilikha ng mga awitin nito ay isang patunay din ng pagkiling at lalong paglilinang ng kulturang Pilipino sa larangan ng sining na kikilalanin at tatangkilikin.
Sa pagtangkilik ng "Rosas ng Digma," maibabaon ang konsumeristikong pagtingin sa musika, lalo na sa henreng alternatibo. Gayundin, malayon at mauunawaan din ng makakapakinig nito na tao rin pala ang isang aktibista. At sa pagiging tao niya, makulay at maalab din ang kanyang magiging "lovelife" sa larangan ng pakikibaka. Ayon nga kay Teddy Casino ng BAYAN, hindi siya basta isang aktibista lang. Siya'y umiibig din.
Tungkol sa writer: Si Darius R. Galang ay isang dakilang manunulat. Isa siya sa mga culture writers noong college days sa Manila Collegian (publication ng UPM) at ipinagpapatuloy ang walang sawang pagsusulat ng mga sports articles sa Pinoy weekly bilang sports editor nito.